NAGLAAN ang Department of Budget and Management (DBM) ng P1.855 bilyong dagdag na pondo para sa Philippine General Hospital (PGH), kabilang ang P800 milyon para sa Zero Balance Billing (ZBB).
Layunin nitong bawasan o tuluyang alisin ang gastos sa ospital ng mga kwalipikadong pasyente at matulungan ang mga pamilyang hirap sa gastusin sa pagpapagamot.
Sa kabuuang pondo, P1.040 bilyon ang inilaan para sa medical services ng PGH. Kabilang dito ang P800 milyon para sa Universal Health Care Fund na gagamitin sa pagpapatupad ng ZBB.
Sa ilalim ng programa, hindi na kailangang pasanin ng mga eligible patient ang malaking bahagi ng kanilang hospital expenses, alinsunod sa Universal Health Care Act at mga umiiral na patakaran.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon, mahalagang matiyak na ang pagkakasakit ng isang miyembro ng pamilya ay hindi mauwi sa krisis pinansyal.
Bukod sa ZBB, may P15 milyon ding inilaan para sa paggamot ng mga pasyenteng may Dystonia-Parkinsonism o Lubag Syndrome.
Makatutulong ang pondo upang maipagpatuloy ang specialized treatment at iba pang kinakailangang serbisyong medikal para sa mga pasyenteng may ganitong kondisyon.
Bilang national university hospital at pangunahing referral center, patuloy na tumatanggap ang PGH ng mga pasyenteng may kumplikado at specialized na karamdaman mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Binigyang-diin ni De Leon na ang bawat pisong inilalabas para sa kalusugan ay dapat direktang mapakinabangan ng mga pasyente.
Sinabi rin ng DBM na ang dagdag na pondo ay bahagi ng pagtutok ng administrasyong Marcos sa health care at iba pang mahahalagang serbisyo publiko, sa kabila ng limitadong resources ng pamahalaan.
Tiniyak ng ahensya na isinagawa ang release ng pondo alinsunod sa mga budget execution rules at may mga safeguard upang matiyak ang wasto at responsable nitong paggamit.
