MAS mabigat na parusa sa mga ilegal na baril at mas mahigpit na pananagutan sa mga pabaya nilang may-ari ang nais ipatupad ni Interior Secretary Jonvic Remulla para mapigilan ang paglaganap ng mga armas sa kamay ng mga kriminal at menor de edad.
Sa panukalang batas na isinusulong ni Remulla, maaaring umabot sa 20 taon ang pagkakakulong ng mga mapatutunayang lumabag sa mga regulasyon kaugnay ng pagmamay-ari at pag-iingat ng baril, depende sa bigat ng paglabag.
Bukod dito, nais ding bigyan ng sapat na kapangyarihan ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng inspeksyon sa tahanan ng mga rehistradong gun owner upang matiyak na maayos at ligtas ang pagkakakandado at pag-iimbak ng kanilang mga armas.
Ayon kay Remulla, hindi dapat ituring na simpleng karapatan ang pagmamay-ari ng baril dahil may kaakibat itong malaking responsibilidad sa kaligtasan ng publiko.
Iginiit din ng kalihim na dapat managot ang mga gun owner na mapatutunayang nagpabaya sa pag-iingat ng kanilang armas kung ito ay napunta sa kamay ng menor de edad, kriminal o iba pang taong walang awtorisasyon.
Layon nitong higitan ang kasalukuyang pagtrato sa ganitong kapabayaan bilang simpleng reckless imprudence, lalo na kung nauwi ito sa pamamaril o iba pang malubhang insidente.
Lumakas ang panawagan para sa mas mahigpit na gun regulation kasunod ng mga insidente ng pamamaril na kinasangkutan ng mga paaralan at kabataan, kabilang ang mga kaso kung saan nakakuha ng access sa baril ang mga menor de edad.
Kasama rin sa tinututukan ang mga armas na pag-aari o ipinagkaloob sa ilang kawani ng pamahalaan.
Para kay Remulla, kailangan ang mas mahigpit na sistema upang matiyak na ang mga legal na baril ay hindi mailalabas sa ligtas na pagkakarekado at hindi mapupunta sa kamay ng mga taong maaaring gamitin ang mga ito sa krimen.
Inaasahang dadalhin sa Kongreso ang mga panukalang ito bilang bahagi ng mas malawak na kampanya ng pamahalaan laban sa loose firearms at iba pang insidenteng may kaugnayan sa hindi ligtas na pag-iingat ng armas.
