HINDI awtomatikong makukuha ng kandidatong pumangalawa ang puwesto ng nanalong kandidato kahit madiskwalipika o mapatunayang hindi kwalipikado ang nagwagi sa lokal na halalan.
Ito ang pinagtibay ng Korte Suprema matapos tuluyang ibasura ang motion for reconsideration ni Datu Pax Ali Mangudadatu kaugnay ng kanyang pagkandidato bilang gobernador ng Sultan Kudarat noong 2022 elections.
Nauna nang kinansela ng Commission on Elections (Comelec) ang Certificate of Candidacy (COC) ni Mangudadatu matapos siyang mapatunayang may maling representasyon kaugnay ng kanyang residency.
Sa halip na ang kandidatong pumangalawa ang maupo, sinabi ng Korte Suprema na ang kasalukuyang vice governor ang dapat humalili at magsilbi sa natitirang termino.
Ayon sa High Court, walang batas na kumikilala sa tinatawag na “second placer rule” na awtomatikong nagbibigay ng puwesto sa kandidatong nasa ikalawang pwesto.
Iginiit din ng Korte Suprema na ang kandidatong nakakuha ng pinakamaraming boto ang itinuturing na halal, habang walang vested right ang second placer na ideklarang tunay na nanalo.
Gayunman, nilinaw ng korte na ang desisyon ay para lamang sa lokal na elective positions sa ilalim ng Local Government Code.
Hindi sakop ng ruling ang mga pambansang posisyon dahil iba ang proseso ng succession para rito.
Para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo, ang paghalili sa puwesto ay nakabatay sa mga probisyon ng 1987 Constitution.
