UMAKYAT na sa 39 ang bilang ng mga nasawi sa magkakasunod na pag-ulan, pagbaha at pagguho ng lupa na pinalala ng Habagat at mga bagyo sa bansa.
Ayon sa pinakahuling disaster monitoring report nitong Miyerkules, Setyembre 2, nasa 20 katao ang sugatan habang tatlo pa ang nawawala.
Pinakamalaking bilang ng nasawi ang naitala sa Benguet na may 15, bunsod ng serye ng pagguho ng lupa sa Baguio City, La Trinidad at Atok.
May mga naiulat ding nasawi sa La Union, Pangasinan, Zambales, Pampanga, Rizal, Batangas, Quezon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Negros Occidental at Caloocan City.
Sa 20 sugatan, 12 ang mula sa Benguet. Karamihan sa mga insidente ay may kaugnayan sa landslide at pagbagsak ng mga puno, habang mayroon ding mga biktima ng malalakas na agos ng tubig at vehicular accidents.
Patuloy namang hinahanap ang tatlong nawawala—isa sa Quezon City, isa sa Maynila at isa sa Batangas City. Kabilang sa mga sinusuring insidente ang mga kaso ng posibleng pagkalunod.
9.4 MILYON TINAMAAN
Lumalawak din ang lawak ng pinsala. Tinatayang 2.7 milyong pamilya o 9.4 milyong katao sa Regions I, III, V at VI, CALABARZON, CAR, NCR at MIMAROPA ang naapektuhan ng kalamidad.
Aabot sa 6,328 barangay ang tinamaan ng pagbaha, landslide at iba pang epekto ng masamang panahon.
Upang mailikas ang mga residente sa danger zones, 968 evacuation centers ang binuksan. Mahigit 71,000 katao o 20,279 pamilya ang kasalukuyang nakasilong sa mga ito.
3,900 BAHAY WASAK
Hindi rin nakaligtas ang mga kabahayan. Nasa 3,900 bahay na ang naiulat na napinsala—3,400 ang bahagyang nasira habang 538 ang tuluyang nawasak.
Umabot naman sa P6.27 bilyon ang tinatayang pinsala sa imprastraktura, habang P2.84 bilyon ang pinsala sa agrikultura.
Sa gitna ng lawak ng pinsala, nasa P1.85 bilyon na ang halaga ng ayuda at iba pang tulong na naipamahagi ng pamahalaan at mga responding agencies.
178 LUGAR, STATE OF CALAMITY
Samantala, umabot na sa 178 lugar ang nagdeklara ng state of calamity.
Pinakamarami ang nasa Pangasinan na may 47, kasunod ang Bulacan na 24, Cavite na 23, Pampanga na 21, Tarlac na 18 at Benguet na 14.
May mga deklarasyon din sa Dagupan City, Bataan, Zambales, Rizal, Batangas at Occidental Mindoro.
Bukod dito, nasa 711 lugar na ang naitalang binaha dahil sa patuloy na epekto ng malalakas na ulan, rumaragasang tubig at pagguho ng lupa.
Patuloy ang rescue, relief at recovery operations ng mga awtoridad habang tinataya ang kabuuang pinsala sa mga tahanan, imprastraktura at kabuhayan ng milyun-milyong Pilipinong naapektuhan.
