INAPRUBAHAN ng House Committee on Revision of Laws ang panukalang Philippine Budgeting Code na layong higpitan ang paggamit ng pera ng bayan at pigilan ang mga ghost project at korapsyon.
Layunin ng panukala nina Bataan Rep. Albert Garcia at Rizal Rep. Emigdio Tanjuatco III na pagsama-samahin sa isang sistema ang pagpaplano, paglalaan, paggamit, monitoring at accounting ng pondo ng gobyerno.
Tampok dito ang Philippine Cash Budgeting System kung saan walang bayad hangga’t hindi naihahatid, natatapos at pormal na natatanggap ang proyekto o serbisyo.
“No delivery, no acceptance, therefore no payment,” ani committee chair Rep. King Collantes.
Magkakaroon din ng digital tracking system para masundan ang pondo mula sa pag-apruba ng budget hanggang sa aktuwal na bayaran. Ilalabas din sa publiko ang budget documents at performance data sa madaling ma-search na format.
Hihigpitan din ang paggamit ng savings upang hindi mailipat ang natirang pondo sa mga proyektong hindi awtorisado sa budget.
Ayon kay Collantes, layunin ng Code na bawasan ang aksaya, palpak na paggastos at korapsyon habang tinitiyak na ang bawat piso ng bayan ay napupunta sa serbisyong kailangan ng mga Pilipino.
