HINDI na kailangang umabot ng 24 oras ang confinement bago makakuha ng PhilHealth benefits ang ilang pasyente sa ospital.
Simula Setyembre 18, palalawakin ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang mga benefit package nito para masaklaw ang mga pasyenteng na-admit nang wala pang 24 oras, basta’t pasado sa itinakdang kondisyon at requirements.
Saklaw nito ang mga pasyenteng may malubha, seryoso o nagbabanta sa buhay na kondisyon, alinsunod sa Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Act at PhilHealth Circular No. 2026-0013.
Ayon sa PhilHealth, hindi awtomatikong lahat ng pasyenteng wala pang 24 oras na-confine ay makatatanggap ng benepisyo. Kailangang mapatunayan na medically necessary at justified ang kanilang admission at suportado ito ng medical records.
Sinabi ni PhilHealth acting senior manager Christine Mae Magno na kailangan ng sapat na medikal na dahilan sa bawat admission upang maiwasan ang maling paggamit at pang-aabuso sa bagong benepisyo.
Kasama rin sa coverage ang mga pasyenteng inilipat sa ibang ospital para ipagpatuloy ang gamutan at mga pasyenteng namatay habang naka-confine, kahit hindi umabot sa 24 oras ang kanilang pananatili.
Maaari ring maging kwalipikado ang mga pasyenteng na-admit ngunit nakalabas sa loob ng 24 oras, kahit ito ay batay sa payo ng doktor o sa sariling desisyon ng pasyente.
Pero may malinaw na mga hindi sakop. Kabilang dito ang mga dead on arrival at mga kondisyong maaari namang gamutin sa outpatient services, emergency department, ambulatory care o primary care.
Ipinaliwanag naman ni PhilHealth spokesperson Alfred Philip de Dios na oras-oras ang bilang ng 24-hour period, simula sa oras ng pormal na admission ng pasyente.
Kahit nasa emergency room pa ang pasyente, magsisimula na ang bilang kapag naibigay na ng doktor ang admission order.
Kapag lumampas naman sa 24 oras ang confinement, maaari nang gamitin ng pasyente ang iba pang inpatient benefits ng PhilHealth, alinsunod sa umiiral na mga patakaran.
Ayon kay Magno, layunin ng bagong polisiya na punan ang puwang sa dating PhilHealth benefit packages, na nangangailangan ng minimum na confinement period bago maging kwalipikado sa inpatient coverage.
Sa ilalim ng bagong patakaran, kung kinakailangang ma-admit ang pasyente ngunit pinayagan nang umuwi ng doktor bago mag-24 oras, maaari pa ring bayaran ng PhilHealth ang mga serbisyong aktuwal na ibinigay, basta’t kumpleto ang requirements.
Ang pagbabago ay kasunod ng naging viral na social media post noong Hunyo tungkol kay Maria Sulit, na nagsabing namatay ang kanyang asawang miyembro ng PhilHealth wala pang 24 oras matapos ma-confine.
Ayon sa post, hindi umano nakatanggap ng PhilHealth benefits ang pamilya dahil hindi umabot sa 24 oras ang confinement.
Bagama’t hindi sinabi ng PhilHealth na ang naturang kaso lamang ang nagtulak sa pagbabago, kinilala ni Magno na kabilang sa mga isinasaalang-alang ng ahensya ang feedback at hinaing ng publiko sa pagbuo at pagpapalawak ng mga polisiya nito.
