TACLOBAN CITY — Tuluyan nang sinibak sa serbisyo ang isang pulis matapos mapatunayang nagpabaya sa pag-iingat ng kanyang service firearm na ginamit sa madugong pamamaril sa San Jose National High School noong Hunyo 22, 2026.
Kinilala ang sinibak na pulis na si Police Staff Sergeant Arla Ray Paciencia, matapos maglabas ng desisyon ang National Police Commission (NAPOLCOM) en banc na nagpatunay sa kanyang pagkakasala sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Batay sa imbestigasyon, naging daan umano ang matinding kapabayaan ni Paciencia sa pag-iingat ng kanyang baril upang makuha ito at magamit sa pamamaril sa loob ng paaralan.
Bukod sa pagkakatanggal sa serbisyo, ipinataw din sa pulis ang pagkawala ng mga benepisyo at habambuhay na pagbabawal na humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.
Sa resulta ng imbestigasyon, lumitaw na nakuha umano ng 14-anyos na pamangkin ni Paciencia ang baril at dinala ito sa paaralan, kung saan ginamit sa pamamaril sa mga kapwa estudyante.
Nagdulot ang insidente ng pagkamatay at pagkasugat ng ilang indibidwal, dahilan upang busisiin din ng mga awtoridad ang pananagutan ng pulis na may-ari ng baril.
Samantala, inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) at Office of the City Prosecutor ng Tacloban City ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and physical injuries laban kay Paciencia kaugnay ng umano’y kapabayaan sa pag-iingat ng kanyang baril.
