ARESTADO ang pitong lalaki matapos maaktuhan umano sa pagsasagawa ng ilegal na pagmimina sa isang bulubunduking lugar sa Barangay Sto. Niño, Virac, Catanduanes nitong Martes ng hapon.
Ayon kay Police Lt. Col. Niño Lope M. Briones, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Bicol Regional Field Unit, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa isang concerned citizen hinggil sa ilegal na aktibidad.
Pinangunahan ng CIDG Catanduanes Provincial Field Unit, sa ilalim ni Maj. Joven Osurman, ang operasyon katuwang ang iba pang yunit ng pulisya at mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Bago ang pagsalakay, nagsagawa muna ng pagmamanman ang mga operatiba at nakipag-ugnayan sa DENR upang beripikahin kung may umiiral na permit para sa small-scale mining sa lugar.
Nang makumpirmang walang awtorisadong operasyon ng pagmimina sa naturang lugar, agad na binuo ang grupo upang ipatigil ang ilegal na gawain.
Naabutan umano ng mga awtoridad ang pitong suspek habang aktuwal na nagsasagawa ng paghuhukay at pagsasala ng ginto.
Kinilala ang mga naaresto na sina Alexis Valerio Capistrano, 25; John Paul Quintal Reyes, 28; Christian Quintal, 31; Allan Tropel Vargas, 36; Aries Quintal Gianan, 42; Jupiter Reyes Rivera, 49; at Aries Vargas Gianan, 39. Pawang residente ng Virac ang mga ito.
Nakuha sa kanilang pag-iingat ang tatlong transparent na vial na naglalaman ng hinihinalang gold dust na may tinatayang bigat na 0.5 gramo.
Nasamsam din ang apat na kahoy na palanggana na ginagamit sa pagsasala ng ginto, limang pry bar, dalawang pala at isang kahoy na salaan.
Nagbabala naman si Briones sa mga patuloy na nagsasagawa ng ilegal na pagmimina na itigil ang kanilang aktibidad, dahil paiigtingin ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng batas upang maprotektahan ang kalikasan.
