PATAY ang isang punong-guro matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin habang nagmamaneho patungo sa kanyang paaralan sa Barangay Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, Miyerkules ng umaga.
Kinilala ni Police Lt. Mohammad U Ali ng Datu Saudi Ampatuan Municipal Police ang biktima na si Dr. Dionel Villavito Mahusay, Ed.D., punong-guro ng Datu Pendililang Piang Elementary School na matatagpuan din sa nasabing barangay.
Batay sa paunang imbestigasyon, sakay ng kanyang minivan ang biktima at patungo na sana sa paaralan nang bigla siyang pagbabarilin ng mga suspek dakong alas-7:30 ng umaga.
Tinamaan ng sunod-sunod na bala ang iba’t ibang bahagi ng katawan ng punong-guro na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Nagtamo rin ng 10 tama ng bala ang minivan, partikular sa bahagi ng driver’s side.
Ayon kay Ali, residente ng Barangay Salbu ang biktima at nasa 50 metro lamang ang layo ng pinangyarihan ng pamamaril mula sa kanyang tahanan.
Hindi na naabutan ng mga rumespondeng pulis ang bangkay ng biktima sa pinangyarihan ng krimen dahil agad na itong dinala ng kanyang pamilya sa kanilang bahay.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang mga nasa likod ng krimen.
Patuloy rin ang pangangalap ng mga ebidensya at pagsisiyasat ng pulisya upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaslang.
