HINDI pa rin maipaliwanag ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang umano’y P817.87 milyong hindi matukoy na yaman na isa sa mga pangunahing usapin sa impeachment trial laban sa kanya, ayon sa House prosecution.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng prosecution panel, bigo pa rin ang mga testigong iniharap ng depensa na direktang pabulaanan ang mga alegasyon at magpakita ng sapat na dokumentong magpapatunay sa pinagmulan ng naturang yaman.
Sinabi ni Adiong na sa kabila ng sunod-sunod na testigong ipinatawag ng depensa, wala pa ring malinaw na paliwanag kung saan nanggaling ang mga kuwestiyonableng ari-arian at transaksiyon ng Bise Presidente.
Kabilang sa mga testigong iniharap ng depensa ang mga lokal na assessor na tumalakay sa mga ari-arian sa Davao City at Samal, isang corporate lawyer na nagpaliwanag sa mga bayad kay Duterte, at mga saksi na tumalakay sa isang resibo sa restaurant at pagbili ng sapatos.
Ipinatawag din ang isang dating opisyal ng anti-money laundering agency upang ipaliwanag ang proseso ng pag-uulat ng mga transaksiyong pinansiyal, gayundin ang mga opisyal ng pamahalaan na tumalakay sa operasyon ng Cale88 Foods Corp., isang kompanya ng banana chips na iniuugnay sa asawa ni Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Pero iginiit ni House prosecution adviser at spokesperson Ace Barbers na wala pa ring naihahaing testimonya ang depensa na direktang nagpapabulaan sa mga alegasyon ng prosecution.
Hinamon din ni Barbers ang kampo ni Duterte na ipaliwanag ang pinagmulan ng kanyang yaman, ang umano’y mga bank balance na hindi naisama sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at ang mga negosyo nitong pinasok habang nanunungkulan bilang Bise Presidente.
Nauna nang inilatag ni prosecution witness at forensic accounting expert Alexander Cabrera ang umano’y P817,874,867 na hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte mula 2022 hanggang 2025.
Nakabatay ang kanyang pagsusuri sa mga bank record, tax document, corporate filing at SALN ng Bise Presidente.
Isa sa mga testigo ng depensa si Suzette Balucanag-Punay, in-house counsel ng GenCorp Industries Inc., na nagkumpirmang nakatanggap si Duterte ng P2.14 milyon mula 2022 hanggang 2025.
Ayon kay Balucanag-Punay, ang naturang halaga ay pagbabalik ng puhunan mula sa naunang investment ni Duterte na P46,875. Gayunman, kinuwestiyon ng prosecution ang kawalan umano ng malinaw na dokumentasyong magpapatunay sa mga transaksiyon.
Nagdulot din ng mga katanungan ang testimonya ng mga property assessor hinggil sa pagkakaiba ng mga petsa at halaga ng pagkakabili ng ilang ari-arian kumpara sa nakasaad sa SALN ni Duterte at iba pang rekord.
Samantala, ipinaliwanag naman ng mga opisyal ng Board of Investments at Food and Drug Administration ang rehistrasyon, operasyon at pagsunod sa mga regulasyon ng Cale88 Foods Corp.
Binigyang-diin ni Adiong na hindi sapat na mapatunayan lamang na lehitimo ang negosyo ng banana chips dahil ang dapat umanong ipaliwanag ay ang pinagmulan ng P817.87 milyong kuwestiyonableng yaman.
Iginiit din niyang dapat maglabas ang depensa ng mga dokumentong magpapatunay na nagmula ang naturang yaman sa lehitimong kita sa negosyo, investment, dibidendo, pautang, mana o bentahan ng ari-arian.
“Wala sa kanila ang nagpakita man lang ng isang dokumento ng negosyo, dibidendo, investment, loan, mana o bentahan ng property na magpapaliwanag sa P817.87 million,” ani Adiong.
Para sa opisyal, mahirap depensahan ang kaso dahil mismong mga dokumentong nagmula sa kampo ng Bise Presidente ang ginagamit na batayan ng mga alegasyon.
Samantala, itinanggi ng depensa ang mga natuklasan ni Cabrera at nagharap ng mga testigo upang ipaliwanag ang mga ari-arian, negosyo at transaksiyong pinansiyal ni Duterte.
Inaasahang magpapatuloy ang paglalahad ng ebidensiya ng depensa sa pagbabalik ng Senate impeachment trial sa Disyembre 1.
Ang Senado bilang impeachment court ang magpapasya kung sapat ang ebidensiya ng prosecution upang patunayan ang natitirang alegasyon ng unexplained wealth laban sa Bise Presidente.
