NAGPAALALA ang Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko na maging mapanuri sa mga transaksyon sa internet, partikular sa online shopping, kasunod ng inaasahang pagdami ng mga mamimiling bibili ng mga regalo at iba pang pangangailangan ngayong Kapaskuhan.
Batay sa datos ng PNP-ACG na inilabas sa isang press briefing nitong Miyerkules, umabot sa 743 ang naitalang kaso ng online selling scams mula Enero hanggang Oktubre 2026, dahilan upang ito ang manguna sa mga uri ng pandarayang may kaugnayan sa cybercrime.
Ayon kay PNP-ACG spokesperson Lt. Col. Zyrah Cabral, mas mainam na piliin ng mga mamimili ang cash-on-delivery (COD) bilang paraan ng pagbabayad sa mga online shopping platform upang mabawasan ang panganib na mawalan ng pera sa mga mapanlinlang na transaksyon.
“Kung maaari, dahil online selling scams ang numero unong uri ng online fraud, mas piliin natin ang cash lamang,” ani Cabral.
Nagbabala rin siya sa posibleng pagdami ng mga pekeng accommodation at online booking ngayong holiday season, sa panahong maraming pamilya at indibidwal ang naghahanap ng matutuluyan para sa kanilang mga bakasyon.
Ipinaliwanag ni Cabral na hindi dapat gawing batayan ang dami ng followers ng isang social media account upang matukoy kung lehitimo ang isang online seller o booking provider, dahil may mga mapanlinlang na account na bumibili lamang ng followers upang magmukhang kapani-paniwala.
Pinayuhan niya ang publiko na siyasatin ang mga customer review, kabilang ang pagkakakilanlan at aktibidad ng mga nagbigay ng komento, upang matiyak kung tunay ang mga ito at hindi lamang gawa-gawa.
Samantala, naglabas din ng babala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Martes laban sa mga pekeng Christmas donation drive at online giveaway na ginagamit upang manghingi ng pera, processing fee at sensitibong personal na impormasyon mula sa publiko.
Ayon sa NCRPO, mas nagiging sopistikado ang mga modus dahil ginagamit na rin ng mga scammer ang artificial intelligence (AI) upang gayahin ang boses ng mga kamag-anak o kaibigan at lumikha ng mga pekeng sitwasyong pang-emergency para mapilitang magpadala ng pera ang kanilang mga target.
Kabilang din sa mga natukoy na panloloko ang paggamit ng pekeng QR code na naglilipat ng bayad sa account ng mga scammer sa halip na sa tunay na tatanggap ng transaksyon.
Binigyang-diin ni NCRPO Acting Regional Director Brig. Gen. Christopher Abrahano na patuloy na nagbabago ang mga paraan ng panloloko sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya at pagpapanggap upang magmukhang lehitimo ang mga ilegal na transaksyon.
Hinimok ni Abrahano ang publiko na tiyaking tunay ang pagkakakilanlan ng kausap at beripikahin ang lahat ng detalye bago magbayad, magbigay ng impormasyon o magpadala ng anumang halaga.
“Always verify before you pay,” paalala ni Abrahano.
