NAGHAIN ng motion for reconsideration si dating House Speaker Martin Romualdez sa Sandiganbayan Third Division upang hilinging baligtarin ang kautusang nagpapataw sa kanya ng 90-araw na preventive suspension bilang miyembro ng House of Representatives habang dinidinig ang kasong plunder laban sa kanya.
Iniuugnay ang kaso kay Romualdez sa umano’y pagtanggap ng ₱7.44 bilyong kickback mula sa mga proyekto ng pamahalaan na may kinalaman sa imprastraktura at pinondohan sa ilalim ng mga pambansang badyet mula 2022 hanggang 2025.
Sa mosyon na inilabas sa publiko nitong Miyerkules, hiniling ng kanyang mga abogado na kanselahin ang resolusyon ng korte noong Nobyembre 10 na nag-uutos sa dating House Speaker na pansamantalang itigil ang pagganap sa kanyang tungkulin bilang kongresista at sa anumang iba pang posisyon sa gobyerno.
Iginiit ng depensa na nagkamali ang Sandiganbayan sa pagkilala sa bisa ng information o pormal na sakdal laban kay Romualdez, na isa sa mga kinakailangang batayan para ipatupad ang preventive suspension.
Ayon sa mga abogado, hindi malinaw na tinukoy sa sakdal kung sino kina Romualdez at dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ang umano’y pangunahing nakinabang sa naturang krimen. Hindi rin umano nakasaad kung magkano ang partikular na halagang sinasabing napunta sa bawat isa mula sa kabuuang ₱7.44 bilyon.
Kinuwestiyon din ng depensa ang pananaw ng korte na dapat pang patunayan sa paglilitis ang mga partikular na aksyon at antas ng partisipasyon ni Romualdez sa mga transaksyong iniuugnay sa umano’y plunder.
Binigyang-diin ng mga abogado na magkaiba ang usapin ng pagpapatunay sa mga paratang sa paglilitis at ang pagtukoy kung sapat at malinaw na nailahad ang mga ito sa pormal na sakdal.
“Kung ginawa nga ni akusadong Romualdez ang mga ipinaparatang na hakbang ay usapin na dapat talakayin sa paglilitis. Ngunit kung sapat bang nailahad sa sakdal ang mga naturang hakbang ay usapin na may kinalaman mismo sa mga paratang,” ayon sa mosyon.
Dahil dito, iginiit ng depensa na dapat munang resolbahin ng korte ang mga kinukuwestiyong kakulangan sa information bago ito gamitin bilang batayan sa pagpapatupad ng suspensyon.
Dagdag pa ng mga abogado, wala na umanong pangangailangan para suspendihin si Romualdez dahil kasalukuyan na itong nakakulong sa New Quezon City Jail-Male Dormitory ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Payatas, Quezon City.
Ayon sa depensa, dahil nasa kustodiya na ng korte ang dating House Speaker, wala na itong kakayahang gampanan ang kanyang mga tungkulin sa Kongreso o gamitin ang posisyon upang impluwensiyahan ang mga testigo at pakialaman ang mga ebidensiya nang walang pahintulot ng hukuman.
Binigyang-diin ng mga abogado na nawawalan na ng layunin ang preventive suspension dahil hindi na umano nito kailangang pigilan ang anumang posibleng panghihimasok ni Romualdez sa imbestigasyon at paglilitis.
“Sa madaling salita, ang preventive suspension na wala nang anumang mapipigilan ay hindi na maituturing na preventive. Hindi ito naaayon sa mga patakaran at hindi dapat ipinataw,” ayon pa sa depensa.
