APAT na katao ang nasa kustodiya na ng mga awtoridad dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga insidente ng pagpapasabog at pagtatangkang magpasabog ng improvised explosive device (IED) sa paligid ng Department of Justice (DOJ) at Senado ilang oras bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo.
Kinumpirma ni Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director Police Maj. Gen. Robert Morico II nitong Martes na magkakahiwalay na operasyon ang isinagawa ng mga awtoridad upang madakip ang mga pinaghihinalaang sangkot sa dalawang insidente.
Ayon kay Morico, ilan sa mga naaresto ay may umano’y kaugnayan sa ilang personalidad mula sa katimugang bahagi ng bansa.
Isinagawa ang mga operasyon sa bisa ng mga search warrant sa Metro Manila, Quezon province at Pampanga. Patuloy rin ang pagtugis ng mga awtoridad sa iba pang posibleng sangkot sa Mindanao.
“We have an ongoing operation also sa South, so there will be no letup,” pahayag ni Morico, na tiniyak na magpapatuloy ang operasyon hanggang sa mahuli ang lahat ng responsable.
Matatandaang noong Hulyo 27, isang improvised explosive device ang sumabog malapit sa pasukan ng compound ng DOJ, ilang oras bago ang pagdalo ni Marcos sa joint session ng Kongreso para sa kanyang taunang SONA.
Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa naturang pagsabog.
Sa kaparehong araw, nakadiskubre rin ang mga awtoridad ng isa pang hinihinalang IED malapit sa gusali ng Senado.
Ayon kay Morico, posibleng layunin ng mga nasa likod ng mga insidente na lumikha ng takot, kaguluhan at abala sa publiko kasabay ng mahalagang pagtitipon ng pamahalaan.
Nahaharap ang apat na suspek sa mga kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy at madakip ang umano’y utak sa likod ng mga insidente at iba pang posibleng kasabwat.
