IPINAG-UTOS ng Archdiocese of Cebu pansamantalang pagsasara ng Simbahang Parokya ng San Fernando Rey sa munisipalidad ng Liloan matapos matagpuang pinatay ang isang babae sa loob ng simbahan.
Ayon kay Archbishop Alberto S. Uy, ang insidente ay maituturing na isang paglapastangan sa isang banal na lugar.
Itinigil ang lahat ng pampublikong misa at mga aktibidad pangrelihiyon hanggang sa maisagawa ang isang ritwal ng pagbabayad-sala upang maibalik ang kabanalan ng simbahan.
“Nakikiisa kami sa panalangin para sa pamilya ng biktima habang kinokondena namin nang mariin ang karahasang ito na ginawa sa loob mismo ng bahay ng Diyos,” sabi ni Uy sa isang pahayag na inilabas noong Biyernes.
Lumalabas sa imbestigasyon bandang 9:30 ng umaga noong Biyernes, natagpuan ng mga tauhan ng simbahan ang babae na nakahandusay at walang malay malapit sa pasukan ng simbahan.
Ang babae, na pinaniniwalaang nasa edad 30 at isinugod sa kalapit na Danao City District Hospital, kung saan siya ay idineklara na dead on arrival ng isang doktor.
Sinabi ng pulisya na ang babae ay nagtamo ng mga pinsala sa ulo at mga marka ng ligature sa leeg, mga indikasyon na siya ay binugbog at posibleng sinakal bago namatay.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima at ang motibo sa pagpatay.
