
NANAWAGAN si Senador Bam Aquino kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-certify bilang urgent ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act bilang solusyon sa lumalalang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.
Sinabi ni Aquino, may-akda ng Senate Bill No. 121 o CAP Act, na hindi kayang resolbahin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang problema nang mag-isa, gaya ng lumabas sa kanilang ulat na 22 lamang sa 1,700 target classrooms para sa 2025 ang natapos.
“Lahat tayo nagulat nung nalaman natin na bente dos lang ang classrooms na ginawa ng DPWH ngayong taon. Ang backlog natin 145,000 pataas kaya iyong 22 na paggawa ng DPWH, hindi po talaga iyan katanggap-tanggap,” wika ni Aquino, na siya ring chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Bagama’t kabilang na ang Senate Bill No. 121 sa mga priority measures ng administrasyon sa 20th Congress, sinabi ni Aquino na dapat itong i-certify ni Pangulong Marcos bilang urgent upang mapabilis ang pagpasa ng panukala.
“Ang panawagan namin sa Classroom Acceleration Program Bill ay ibigay ito sa mga LGU. Natutuwa kami na sa araw na ito, sinang-ayunan tayo ng Presidente. We’re hoping na dahil nag-a-agree na po tayo dito, ise-certify po niya na urgent ang Classroom Acceleration Program para sabay-sabay po tayong gagawa ng mga classroom para sa ating mga kabataan,” dagdag ni Aquino.
Kapag naisabatas, sinabi ni Aquino na makatutulong ang Senate Bill No. 121 sa pagpapatupad ng direktiba ng Pangulo na direktang ipadaan ang pondo sa mga lokal na pamahalaan (LGU) upang mapabilis ang pagtatayo ng mga kinakailangang silid-aralan.
Layunin ng panukalang batas ni Aquino na i-decentralize ang paggawa ng mga classroom sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mandato mula DPWH patungo sa mga LGU at non-government organizations (NGO) na may napatunayang kakayahan sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Sa ilalim ng panukala, maaaring magtayo ng mga classroom ang mga LGU at NGO alinsunod sa mga pamantayan at alituntunin ng Department of Education (DepEd) sa kani-kanilang mga nasasakupan.
“Mahalaga po na ilagay na lang natin iyong responsibilidad ng paggawa ng classroom sa mga grupo at tao na kaya talagang gawin ito sa madaliang panahon at sa tamang presyo,” paliwanag ni Aquino.
“Mga local government unit, mga NGO na may track record, sabay-sabay po iyan para ma-address natin iyong napakalaking problema po natin sa edukasyon,” dagdag pa niya.
Sa pagdinig ng Senado ukol sa budget ng DPWH, nagpahayag si Secretary Vince Dizon ang buong suporta sa panukala ni Aquino, at sinabing bukas ang ahensya sa mga pakikipag-partner na makatutulong sa pagpapabilis ng konstruksyon ng mga silid-aralan sa buong bansa.
“We are in full support of this measure, especially now na dalawampu’t dalawa pa lang ang nagagawa ng departamento ngayong taon. Kailangan po talaga natin ang tulong,” ani Dizon.
“At this rate, it’s virtually impossible na magawa ng DPWH itong kailangan nating mga classrooms,” pag-amin pa niya.