
HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na tiyaking magkakaroon ng child development center (CDC) sa bawat barangay sa bansa.
Sa pagdinig ng panukalang pondo sa susunod na taon ng DILG at mga attached agencies nito, binigyang-diin ni Gatchalian na ang pagtatayo ng CDC sa bawat barangay ay makakatulong upang madagdagan ang bilang ng mga batang mag-eenroll sa early childhood care and development (ECCD) programs at services.
Ipinunto ng senador na 3,810 barangay sa bansa ang wala pang CDC. Dagdag pa niya, 30% lamang ng 4.5 milyong batang may edad tatlo at apat ang kasalukuyang naka-enroll sa mga programa at serbisyo ng ECCD.
“Umaasa tayo na sa loob ng susunod na tatlong taon, mapapataas natin ang bilang ng mga batang papasok sa ECCD,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
Noong mga unang bahagi ng taon, isang bilyon mula sa Local Government Support Fund (LGSF) ang inilaan para sa pagtatayo ng CDCs sa mga low-income LGUs. Ito ay kaayon ng panukala ni Gatchalian na naisama sa Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199), na nagpapahintulot sa paggamit ng LGSF para magtayo ng CDCs sa mga fourth at fifth-class municipalities.