
UPANG protektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, nagsagawa ang Department of Agriculture (DA) ng konsultasyon at information caravan ukol sa Daily Price Index (DPI) noong ika-24 hanggang ika-25 ng Setyembre sa Nasugbu, Batangas. Pinangunahan ito ng Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) at Bureau of Agricultural Research (BAR), kasama ang mga rehiyon sa Timog Luzon (IV-A, IV-B, at V).
Pangunahing tinalakay dito ang sistema ng DPI, na naglalabas ng araw-araw na gabay sa presyo ng mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan. Layunin nitong maiwasan ang pananamantala at pagmamanipula ng mga presyo at tiyaking may sapat na kaalaman ang mga magsasaka, mangingisda, at mamimili ukol sa tunay na halaga ng mga produkto sa pamilihan.
Ang inisyatiba ay bahagi ng pagpapatupad ng Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage (AAES) Act, na nag-aatas sa DA na protektahan ang kita ng mga magsasaka at mangingisda at panatilihing abot-kaya ang presyo ng produkto para sa mga mamimili.
Ayon sa Memorandum Circular No. 3, Series of 2025, inatasan ang AMAS at BAR na panatilihing napapanahon at bukas sa publiko ang DPI. Bilang bahagi ng implementasyon, patuloy ang AMAS sa pagsasagawa ng clustered stakeholders’ consultation at information caravan kasama ang mga Regional Field Office nito, partikular ang AMAD, at iba pang kaugnay na ahensya.
Binanggit ni AMAS Director Junibert De Sagun na kailangang maging episyente ang mga ahensya sa pagpapatupad ng DPI at magkaroon ng estratehiyang mag-uugnay sa mga hakbang ng bawat rehiyon. Dagdag naman ni AMAS-BAR Technical Consultant Romeo Recide, bukod sa manpower, mahalagang alam ng bawat stakeholder ang tamang metodolohiya upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng DPI