Mas ilalapit na ang serbisyong pangkalusugan sa bawat pamilyang Ilocano. Sa ilalim ng layuning gawing abot-kamay ang primary healthcare, pormal nang nagkasundo ang Department of Health (DOH) – Ilocos Region, Robinsons Land Corporation (RLC), at ang Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) para itayo ang kauna-unahang DOH Wellness Clinic sa Robinsons Place La Union.
Ang mahalagang hakbang na ito ay pinagtibay sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan nina Regional Director Paula Paz M. Sydiongco, ITRMC OIC-Medical Center Chief II Dr. Unity H. Cortez, at G. Joel S. Lumanlan, Vice President for Operations and Marketing ng RLC.
Bilang bahagi ng kasunduan, magbibigay ang Robinsons Land Corporation ng libreng espasyo (rent-free) sa ikatlong palapag ng Robinsons Place La Union. Ang clinic ay magbubukas araw-araw, mula 10:00 AM hanggang 6:00 PM, kasabay ng oras ng mall, para sa mga mamimili at sa buong publiko.
“Ang partnership na ito ay patunay ng ating pangako sa Universal Health Care—ang dalhin ang serbisyong medikal kung nasaan ang mga tao,” pahayag ni Director Sydiongco. “Sa tulong ng DOH Wellness Clinic, pinalalakas natin ang preventive care at maagang pagtuklas ng sakit sa isang lugar na komportable at madaling puntahan.”
Ang clinic ay hindi lamang basta panggamot, kundi nakatuon din sa pagpapanatili ng kalusugan. Narito ang mga serbisyong maaaring makuha nang LIBRE:
· Screening at Konsultasyon: BMI assessment at screening para sa high blood (hypertension), diabetes, at sakit sa bato.
· Espesyalistang Serbisyo: Konsultasyon para sa mga bata (Pediatrics), matatanda (Adult Medicine), buntis (OB-Gyne), Senior Citizens, at pangangalaga sa mata (Ophthalmology).
· Mental Health at Nutrisyon: Counseling para sa kalusugan ng isip at wastong pagkain.
· Family Planning at HIV Screening: Edukasyon at pagsusuri para sa ligtas at malusog na pamumuhay.
Ang ITRMC ang magsisilbing katuwang sa pagpapadala ng mga doktor, laboratory diagnostic referrals, at pagsisiguro na ang mga pasyente ay mai-enroll sa PhilHealth YAKAP (Yaman ng Kalusugan Program) para sa tuloy-tuloy na gamutan.
“Dahil sa kolaborasyong ito, nailalabas namin ang kasanayan ng ITRMC mula sa mga pader ng ospital patungo sa komunidad,” dagdag ni Dr. Unity H. Cortez.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng 8-Point Action Agenda ng DOH, partikular na ang “Bawat Pilipino, ramdam ang kalusugan” at “Pag-iwas sa sakit.” Kasunod ito ng tagumpay ng mga pilot clinics sa SM Mall of Asia at Robinsons North sa Tacloban City kamakailan.
Inaasahang magsisimula ang operasyon ng clinic ngayong unang quarter ng taon. Inaasahang ito ang magiging modelo ng makabago at mas mabilis na paghahatid ng serbisyong medikal sa buong Rehiyon ng Ilocos.
