INAHALINTULAD ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson na isang malaking pugad para sa mga sindikatong kriminal at mala-mafiang galawan sa mga engineering offices ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa iba’t ibang parte ng bansa matapos nitong muling makatanggap ng bagong impormasyon .
Nitong Miyerkules sinabi nitong nakarating sa kanya ang tungkol sa pagkasangkot ng opisyal ng DPWH sa maanomalyang flood control projects, kabilang ang mga proyektong hindi nakasama sa ulat na naisumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Maraming kalokohan talaga… Parang turo-turo ng District Engineer, ‘Ikaw na, akin ang lisensya mo.’ Meron pa ngang feelers pati Philippine Contractors Accreditation Board, ang accreditation board, may kalokohan,” ayon sa mambabatas.
Sa isang panayam sa radyo, ipinunto ni Lacson na ang mga mala-sindikatong aktibidad na ito ay hindi lamang sa Bulacan kundi pati na rin sa ibang lugar tulad ng San Carlos City sa Negros Occidental.
Nabanggit na rin ni Lacson sa privilege speech niya noong Agosto 20 na may katiwalian din sa likod ng mga palpak at guniguning flood control project sa Pampanga, La Union, at Oriental Mindoro.
Dagdag pa ni Lacson, may impormasyon siyang natanggap tungkol sa mga kuwestiyonableng transaksyon sa mga fly-by-night contractors. Binanggit niya ang kaso ng Darcy and Anna Builders, na nakakuha ng ilang kontrata para sa flood control projects sa Bulacan.
Ang mas malala dito, ani Lacson, ang mga “funder” o mga mambabatas na nagsusulong ng insertions para sa mga kuwestiyonableng proyektong ito sa budget ay patuloy na lumalakas ang loob dahil walang transparency sa budget process, kaya hindi sila natutukoy bilang responsable.
Iginiit niya na ang kasakiman na ito ang nasa likod ng korapsyon sa 2025 General Appropriations Act (GAA), kung saan binigyan ng mas malaking budget ang DPWH kaysa sa sektor ng edukasyon — na labag sa 1987 Constitution. Idinagdag pa niya na ang subsidy ng PhilHealth para sa 2025 ay tinanggal din dahil sa ganitong kasakiman.
“Siguro sa dami nilang matatakaw, di magkasya sa kanila at iba siguro pagkalaki na ang funder gustong i-insert, para ma-accommodate lahat, nagtanggal sa PhilHealth at iba. Ngayon ko lang narinig from regular budget ni-realign sa unprogrammed fund… Baka sa susunod kung di naawat ito pati automatic appropriations baka panghimasukan na nila,” wika ni Lacson.
Muling iginiit ni Lacson na ito ang dahilan kung bakit patuloy siyang lumalaban para sa ganap na transparency sa proseso ng pagbuo ng budget, upang matukoy at mapanagot ang mga mambabatas na nagsusulong ng amendments o realignments, lalo na kung ang mga proyektong ito ay mapatunayang anomalya o ghost projects.
