TIMBOG ang isang 50-anyos na miyembro ng New People’s Army-Northeastern Mindanao Regional Committee (NPA-NEMRC) nitong Nobyembre 29, 2023 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1, Brgy. 194 Pasay City.
Ayon sa ulat na isinumite kay CIDG Director PMGen Romeo M Caramat Jr., naaresto si Jennifer Zamora Abad o kilala rin bilang “Josephine Abad/Peping sa tulong ng pinagsanib pwersa ng CIDG Rizal Intelligence Division, 404th A MC RMFB 4A, AFP at PNP Aviation Security Group, Airport Police at NAIA Immigration.
Si Abad ay wanted sa kasong Murder nang ilabas ang Warrant of Arrest sa kanya ni Hon. Lilibeth O Ladaga, Executive/Presiding Judge ng RTC Branch 28 Lianga, Surigao Del Sur, noong ika-21 ng Nobyembre, 2019, at walang nirekomendang piyansa.
Ayon kay Caramat, “Si Abad ay ang Regional Finance Staff ng NEMRC (Northeastern Mindanao Regional Committee), na nagaasikaso sa buwanang suporta ng RWAC, NEMRC.
Siya rin ang nagaayos ng allowances ng RWAS staff personnel at may hawak sa pagkolekta ng RBKU (Rebolusyonaryong Buwis sa Kaaway na Uri) sa Surigao Del Sur na may direktang komunikasyon kay alias ‘Maria Malaya,’ na secretary ng NEMRC.
Dinala na si Abad sa CIDG Rizal PFU Office para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
“Habang patuloy tayong sumusuporta sa 5-Focused Agenda ng CPNP, PGen Benjamin C. Acorda Jr., lalung-lalo na pagdating sa agarang at tapat na operasyon sa pagpapatupad ng batas, hindi tumitigil ang CIDG sa paglaban sa kriminalidad, lalo na laban sa mga radikal na nagtatanim ng alitan at takot na sumisira sa kapayapaan at seguridad ng bansa, sa layuning tapusin ang lahat ng karahasan sa bansa,” dagdag pa ni director Caramat.
