
WALA ng buhay nang matagpuan sa dagat ang 12-anyos na naliligo sa dagat kasama ang mga kaibigan ng Bgy. San Miguel sa San Antonio, Zambales.
Ang biktimang Grade 2 student ay residente ng Purok 6, Bgy. Antipolo sa San Antonio.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., ng Zambales police, narekober ang wala nang buhay na katawan ng bata bandang alas-6:15 ng umaga noong Miyerkules sa dalampasigan sa Bgy. San Miguel.
Huling nakitang lumalangoy ang biktima kasama ang mga kaibigan noong Oktubre 8. Nang hindi ito makabalik, iniulat ng kanyang mga kasama na nawawala siya sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Agad na naglunsad ng joint search at retrieval operations ang MDRRMO, Philippine Navy, Philippine Coast Guard, at PNP Maritime Group ngunit hindi nagtagumpay na hanapin ang bata noong gabing iyon.
Kinaumagahan, natuklasan ng mga opisyal ng barangay ang bangkay ng biktima na lumulutang sa dagat.
Kalaunan ay idineklara siyang patay ni Dr. Jerald John A. Quintero, medical officer ng San Antonio Rural Health Unit.
Ang pagkakakilanlan ng biktima ay kinumpirma ng kanyang ama.
Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko, lalo na ang mga magulang, na bantayang mabuti ang kanilang mga anak na lumalangoy sa mga dalampasigan at baybayin upang maiwasan ang mga katulad na insidente.