
UMABOT sa 168,000 na mga mag-aaral ang hindi nakapag-enroll sa mga State Universities at Colleges (SUCs) dahil sa limitadong kapasidad ayon ito sa datos na isinumite ng 62 sa 115 na mga SUCs.
Batay sa pagsusuri ng tanggapan ni Senador Win Gatchalian , lumalabas na 32 (52%) ang lagpas na sa kanilang kapasidad. Samantala, 11 (18%) naman sa mga 62 SUCs na ito ang umabot na sa 100% ng kanilang kapasidad. Dahil dito, 168,493 na mga mag-aaral ang napagkaitan ng pagkakataong makapag-enroll bagama’t kwalipikado na silang pumasok sa mga naturang SUCs.
“Para sa akin, hindi ito makatarungan. Gusto natin silang mag-aral. Pero kahit na pumasa sila sa entrance exam at kulang ng kapasidad ang ating mga SUCs, hindi sila makapag-aral,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
Pinatutukan ng senador ang mga SUCs ang pagpapalawak sa kanilang mga academic capacities at ipinasusumite ang kanilang mga requirements para sa capital outlay na nakatuon sa mga silid-aralan at iba pang pangangailangang pang-akademiko.
“Ang layunin natin ay wala nang mag-aaral na mapagkakaitan ng pagkakataong pumasok sa kolehiyo. Lahat ng pumasa ng entrance exam, makakapag-aral,” dagdag na pahayag ng senador.
Pinuna rin ng senador ang patuloy na pagbaba ng capital outlay ng mga SUCs. Mula P31 bilyon noong 2024, bumaba ito sa P17 bilyon ngayong 2025.