
AABOT sa 43 katutubong magsasaka ang sumailalim sa isang pagsasanay tungkol sa produksyon ng Lowland Vegetables o mga gulay na karaniwan sa lutong Pinakbet na pinangunahan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K) Program noong ika-13 hanggang ika-14 ng Agosto sa General Nakar, Quezon.
Layon ng aktibidad na magbigay kaalaman at kasanayan sa mga miyembro ng Pigtaan Ne Dumaget- Remontado De General Nakar Quezon (PDRGNQ) sa tamang pamamahala sa peste at sakit ng gulay, kahalagahan ng pagpapasuri ng kalidad ng lupa at tubig, at proseso ng tamang pagpupunla at paggawa ng organikong pataba.
Hiling ni Nida Ascarraga, miyembro ng PDRGNQ, na magkaroon pa ng mas maraming oportunidad na sila ay makapagsanay at matuto sa tulong ng Kagawaran upang lubos pa na mahikayat ang kanilang kapwa katutubo at kabataan na ipagpatuloy ang pagsasaka.
Inaasahan na magkakaroon ng iba pang katulad na aktibidad para sa mga katutubo sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan ng Rizal at Quezon.