NAGHAIN ng panukalang batas si Senador Erwin Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, na naglalayong maging lifetime na ang validity ng Identification Cards (ID) ng mga Persons with Disability (PWD).
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1405 ni Tulfo, na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 7277 o ang “Magna Carta for Persons with Disability,” ang pag-iisyu ng PWD ID ay magiging libre at magiging valid habang buhay ng PWD.
“Ito ang kalbaryo ng mga Pilipinong PWD: Sa tuwing mag-e-expire ang kanilang ID, kailangan nilang pumila ulit para kumuha ng mga bagong requirements, at kailangan pa nila ng pera para sa pamasahe. Kailangan na naman nilang maglaan ng oras, enerhiya, at pera para lang mag-renew ng kanilang ID, kahit na sila itong may kapansanan. Para itong dagdag na insulto sa kanila!” giit ng Senador.
“Napakahalaga ng kanilang PWD ID dahil ito ang ginagamit nila upang makamit ang mga benepisyong ibinibigay sa kanila ng batas. Ang paglalagay ng expiration date sa kanilang ID ay parang pagtanggi o pagpigil sa kanila na magkaroon ng access sa mga benepisyong iyon,” dagdag niya.
Nagbibigay ang “Magna Carta for Persons with Disability” ng iba’t ibang benepisyo at pribilehiyo, kabilang ang 20% discount sa mga bilihin at serbisyo, pantay na oportunidad sa trabaho at edukasyon, at iba pa.
“Dapat gumaan ang pasanin ng ating mga PWD na matagal nang naghihirap sa kanilang personal na laban,” pahayag ni Sen. Erwin Tulfo.
Ayon sa bagiting Senador, ang panukalang batas na ito, kapag tuluyang naisabatas, “ay isang maliit ngunit makabuluhang hakbang tungo sa paggalang sa mga karapatan ng PWD, pagpapagaan ng kanilang mga pasanin, at pagpapaayos ng serbisyo publiko.”
Si Sen. Erwin Tulfo, na tagapagtaguyod ng mga karapatan ng mga sektor na nasa laylayan, ay nanawagan din para sa mas mahusay na pagpapatupad ng Magna Carta for PWDs at sa kooperasyon ng mga LGU (Local Government Units) para rito.
