
SISIMULAN na ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) sa maanomalyang flood control projects sa darating na Martes, Agosto 19.
Ayon kay Senador Rodante D. Marcoleta, Chairman ng BRC, sadyang mahirap, ngunit kakayanin ng komite na isagawa ang tungkulin nitong ungkatin ang malalim na korapsyon sa likod ng mga palyadong proyekto, na naghahatid ng pagdurusa sa milyun-milyong Pilipino tuwing bumabaha.
“Sa Martes uumpisahan ko na yung flood control investigation sa Blue Ribbon. Medyo challenging yan, mahirap talaga sa laki ng problemang kinakaharap natin d’yan,” ayon sa senador sa programang ‘Sa Ganang Mamamayan’ sa Net 25.
“Ngunit ako’y naniniwala na kaya nating imbestigahan yan. Makipag-cooperate lang ang taong bayan, matutukoy natin kung sino may mga kasalanan d’yan,” paniniguro nya.
Hindi lang basta mga contractor ang tututukan ng BRC, ngunit sisikapin din nitong tukuyin ang mga tiwaling opisyal na namumorsyento sa flood control projects.
Ayon kay Marcoleta, matapos kumubra ng kani-kanilang porsyento ang mga tiwaling kawani, ay katumbas na ng mahigit kalahati ng badyet ang nagagasta para sa aktwal na proyekto.
“Saan mo ngayon kukunin? Kaya nga yung quality, yung integrity, ng ginawang project ay talagang nasasakripisyo,” aniya.
Kung kaya’t may mariing mensahe ang senador sa mga contractor: “Sabihin n’yo kung magkano binibigay n’yo sa mga taong gobyerno para hindi kayo ang madidikdik d’yan. O yan lang muna ang aking masasabi.”
Samantala, nanawagan din si Marcoleta sa mga mamamayan na makiisa sa layunin ng BRC: “Lahat po ng mamamayan na may kakayahan na makipag-ugnayan sa aking opisina, basta po may maitutulong kayo tatanggapin po namin yan, lalong-lalo na ang mga information na reliable. May mga litrato po kayo, napaka importante po n’yan.”
“Ngayon pa lang marami nang nagfi-feed sa akin, kinakailangan lang i-screen mo lahat, kinakailangang i-vet mo lahat kasi baka ang iba gumawa na, baka mamaya AI, di naman pala [totoo],” dagdag pa nya.
Ang organizational meeting at unang public hearing ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigation (pormal na pangalan ng BRC) ay gaganapin sa Martes, 10:00 ng umaga sa Senate session hall.