MAGING handa, magkaisa at huwag magpakampante ito ang panawagan ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III hinggil sa paparating na Severe Tropical Storm Uwan.
Dahil aniya ayon sa PAGASA, inaasahang tatama ang bagyo sa hilaga at gitnang Luzon, at batay sa forecast, posibleng mag-landfall ang Bagyong Uwan bilang isang Signal No. 5—ang pinakamataas na kategorya. Maituturing itong “life-threatening” na bagyo na maaaring magdulot ng matinding pinsala, pagkawala ng kuryente, at pagkaantala ng mga pangunahing serbisyo.
Panawagan pa ni Dy sa lahat na maghanda na ngayon pa lamang. Dapat nating isaalang-alang ang “worst case scenario” upang makapaghanda nang mabuti at makagawa ng mga hakbang na makapagliligtas ng buhay. Mas mainam na sobra ang pag-iingat kaysa magsisi kapag huli na.
Aniya, mahalaga ang kooprasyon para matiyak ang kaligtasan ng bawat isa. Hinihikayat natin ang lahat, lalo na ang mga nasa mabababang lugar at baybaying dagat, na makinig at sumunod sa mga abiso ng mga otoridad. Kung ipag-utos ang paglikas, agad itong sundin para sa inyong kaligtasan. Ihanda ang mga pangunahing pangangailangan gaya ng flashlight, tubig, pagkain, at gamot. Patuloy na subaybayan ang mga balita at manatiling alerto sa mga anunsyo at babala mula sa mga otoridad.
“Nananawagan din tayo ng mahigpit na pagtutulungan sa pagitan ng mga pambansang ahensya, mga lokal na pamahalaan at mga barangay sa buong Northern at Central Luzon—kabilang ang ating lalawigan ng Isabela—upang matiyak ang maagap, maayos, at epektibong pagtugon bago, habang, at pagkatapos ng bagyo.“
Nagpaalala rin siya sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan at sa mga lokal na opisyal sa ating mga distrito upang matiyak ang maayos na koordinasyon at agarang pagtugon. Siguraduhin din na may sapat na impormasyon, suporta, at tulong ang mga nasa pinakamaaapektuhang lugar. Kailangang maramdaman ng ating mga kababayan na hindi sila nag-iisa sa panahong ito ng panganib.
“Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay kaisa ng buong sambayanan sa pananalangin at paghahanda. Sama-sama nating harapin ang paparating na bagyo nang may tapang, malasakit, at matatag na pananampalataya. Sapagkat walang bagyong kayang pabagsakin ang isang bansang handa, nagkakaisa, at may malasakit sa kapwa“.
