
ISANG overseas Filipino worker (OFW) ang hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbitay sa Kuwait dahil sa pagpatay sa anak ng kanyang amo, base sa ulat ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ayon sa DMW, naganap ang insidente noong Disyembre noong nakaraang taon sa bahay ng kanyang amo sa Sabah Al Salem.
Iniulat na inilagay ng Filipina maid ang 18-buwang gulang na Kuwaiti baby sa loob ng washing machine na nagresulta sa pagkamatay ng bata.
Umamin rin ang OFW sa pagpatay sa sanggol at sinabi niya sa otoridad na iniinis siya ng bata.
Agad na pinuntahan ng mga magulang ng sanggol ang bata matapos itong marinig na sumisigaw at natagpuan ang sanggol sa washing machine. Itinakbo agad ang sanggol sa ospital ngunit kalaunan ay namatay ito.
Nahatulan ng bitay ang OFW noong Miyerkules.
Ang DMW ay nagpaabot ng pakikiramay sa pamilyang Kuwaiti para sa pagkawala ng kanilang anak.
Sinabi ng DMW na ang insidente ay isang isolated case at hindi sumasalamin sa karakter at disente ng milyun-milyong OFW na kilala sa kanilang pagsusumikap at propesyonalismo.
Nasa 220,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Kuwait, karamihan ay mga domestic helper.