MANILA – Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng ₱1.684 bilyon para i-replenish ang Quick Response Fund (QRF) ng Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Philippine Coast Guard (PCG).
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang recovery at rehabilitation efforts sa mga lugar na tinamaan ng mga nagdaang kalamidad sa bansa.
Mula sa kabuuang halaga, ₱1 bilyon ang inilaan para sa DA upang mapalakas ang kanilang mga recovery at rehabilitation programs sa mga rehiyong apektado ng African Swine Fever at ng mga nagdaang bagyo.
Magiging standby fund din ito para sa mga agricultural recovery programs sakaling magkaroon pa ng mga kalamidad, kabilang ang posibleng epekto ng Super Typhoon Uwan.
“Malaki ang damage ng mga bagyo at sakuna sa ating agrikultura, at ang numero uno pong biktima n’yan ay ‘yung ating mga magsasaka at mangingisda,” ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman.
“Kaya noong nag-request po ang DA na i-replenish ‘yung kanilang QRF, agad po nating inaprubahan ‘yan, in anticipation din of other weather disturbances this year, lalo na at may paparating tayong super typhoon,” dagdag pa niya.
Ayon sa Special Provision ng FY 2025 General Appropriations Act, gagamitin ng DA ang QRF para sa mga proyekto tulad ng pamimigay ng inputs para sa crops, livestock, poultry, at fisheries; pagkukumpuni ng mga pasilidad sa produksyon at post-production; at pagbibigay ng cash aid o kagamitan sa mga naapektuhang magsasaka at mangingisda.
Samantala, ₱631.023 milyon naman ang ibinigay sa DSWD para dagdagan ang kanilang 2025 QRF.
Gagamitin ang pondong ito sa pagbili ng Family Food Packs at Non-Food Items, pag-iimbak ng mga relief goods, at pagbibigay ng emergency cash transfer sa 58,962 pamilyang naapektuhan ng lindol at bagyo sa iba’t ibang lalawigan.
Sasaklawin din nito ang warehouse rentals, administrative costs, at mga stand-by funds para sa mga DSWD regional offices.
“Ang replenishment ng QRF para sa DSWD ay titiyak na tuloy-tuloy na makatatanggap ng tulong pinansyal, relief goods, at kabuhayan ang ating mga kababayang naapektuhan ng kalamidad,” sabi ni Secretary Pangandaman.
“Ang pakiusap po natin sa DSWD, agad din po sana ‘yang makarating sa mga kababayang nasalanta para makabalik sa normal ang kanilang pamumuhay,” dagdag pa niya.
Bukod sa ₱631.023 milyon, nauna nang naglabas ang DBM ng ₱1.982 bilyon noong Oktubre para rin sa QRF replenishment ng DSWD.
Nagpalabas din ang DBM ng ₱53.007 milyon para sa Philippine Coast Guard (PCG) upang masuportahan ang kanilang relief, rehabilitation, at search and rescue operations tuwing may kalamidad.
“Alam naman natin na sa oras ng sakuna, nandiyan palagi ang ating Philippine Coast Guard—handang magligtas ng buhay ng marami nating kababayang nasa peligro,” ani Secretary Pangandaman.
“During these times, mas kailangan nila ng ating tulong at suporta,” dagdag pa niya.
