TIKLO ang apat na indibidwal sa isang entrapment operation noong Marso 26 sa Puguis, La Trinidad, Benguet dahil sa pagbebenta at pamamahagi ng hindi rehistradong mantika.
Huli ang may-ari maging ang tatlong empleyado sa akto ng pagbebenta ng mga hindi lisensyado at rehistradong produktong pagkain na lumalabag sa Republic Act 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009.
Nakakumpiska ang mga awtoridad ng malalaking volume ng mantika, mga tangke ng imbakan, at mga kagamitan sa pag-iimpake na may kabuuang tinatayang halaga na ₱11.7 milyon, na nagpapahiwatig ng isang malaking ilegal na operasyon. Ang mga produkto, na hindi pumasa sa mga pamantayan ng regulasyon, ay nagdudulot ng mga potensyal na panganib sa kalusugan ng mga mamimili.
Ang operasyon ay isinagawa ng CIDG Baguio City Field Unit, sa tulong ng lokal na pulisya at mga regulatory agency, kabilang ang Food and Drug Administration, at sinaksihan ng mga opisyal ng barangay.
Ito ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP sa ilalim ng Focused Agenda nito sa Enhanced Managing Police Operations, na naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang publiko mula sa hindi ligtas at ilegal na mga produkto.
Mahigpit ang babala ni Chief PNP, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. “Hindi puwede ang ganitong gawain. You put people’s health at risk for profit. We will not tolerate this. Tuloy-tuloy ang operasyon namin laban sa ganitong klase ng ilegal na negosyo.”
Mahaharap sa kasong paglabag sa Seksyon 10 (a) at Seksyon 12 ng Republic Act 9711, o ang Food and Drug Administration Act of 2009, para sa paggawa, pag-angkat, pamamahagi, pagbebenta, o pag-aalok ng mga hindi rehistradong produktong pagkain at pagpapatakbo nang walang kinakailangang lisensya upang mag-operate.
