
NASABAT ng mga miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at Philippine Navy (PNP) nitong Lunes ang humigit-kumulang P19.2 milyong halaga ng “high-grade” na marijuana o kush mula sa karagatan ng West Philippine Sea.
Sinabi ni PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nadiskubre ng mga sundalo ng Navy ang isang itim na duffle bag na inaanod sa dagat sa isang routine maritime patrol malapit sa Sabina Shoal.
Sa pag-inspeksyon, natagpuan ang 32 heat-sealed plastic pack na puno ng mga tuyong hinihinalang marijuana na tumitimbang ng humigit-kumulang 16 kilo.
Ang mga nasamsam ay dinala sa Philippine Navy facility sa Lagare Pier, Tidepole sa Bgy. Masipag, Puerto Princesa City, kung saan isinagawa ang dokumentasyon at imbentaryo, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Palawan Provincial Office.
Una nang dinala ang mga na-turn over sa Police Regional Office 4B- Palawan Provincial Forensic Unit para sa pagsusuri at tamang disposisyon.