TINATAYANG P46 milyon halaga ng smuggled used clothes o “ukay-ukay” ang kinumpiska ng mga operatiba sa magkahiwalay na anti-smuggling operations sa Meycauayan City, Bulacan noong Miyerkules.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig. Gen. Redrico Maranan ng Bulacan PNP ang mga naarestong suspek na sina alyas “Fan Shaoqing, 40, warehouse checker; at alyas “Jiawei Zhang,” 33, isang warehouse manager, kapwa residente ng Sta. Cruz, Maynila.
Arestado ang dalawa nang ipatupad ang search warrant sa isang warehouse sa Industrial Park, Bgy. Libtong, Meycauayan City.
Dalawang magkahiwalay na operasyon ang inilunsad ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 3, Police Regional Office 3, at Bulacan Police Provincial Office, sa target na mga iligal na bodega sa Meycauayan City.
Nasamsam ang isang Isuzu truck na ginagamit sa pagbibiyahe ng mga smuggled goods, ssari-saring dokumento at 23,614 na bundle ng sari-saring gamit at imported na damit.
Nabatid na ibinebenta sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga nakapuslit na gamit na imported na damit.
Kinasuhan ang mga naarestong Chinese national ng paglabag sa Republic Act 4653 o An Act Prohibiting the Commercial Importation of Textile Articles Commonly Known as Used Clothing and Rags.
Ang mga pasaporte at identification card ng mga suspek ay kinumpiska rin ng CIDG Region 3.
