AABOT sa P5,240,000 halaga ng parangal ang iginawad sa 42 agribusiness ng mga Kabataang negosyanteng magsasaka sa ginanap na Young Farmers Challenge (YFC) Program 2025 Regional Awarding Ceremony at Summit ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) noong ika-15 hanggang ika-17 ng Disyembre sa Nasugbu, Batangas.
Ang YFC ay isang kompetisyon na inilunsad ng DA na may layong hikayatin ang mga Kabataang pumasok sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay ng suportang pinansyal at teknikal para sa kanilang agribusiness.
Tinatayang 38 YFC Start-Up ang nanalo sa provincial level na may tig-P80,000 halaga ng panimulang kapital kung saan pito rito ay nagwagi sa regional at nakatanggap pa ng karagdagang P150,000. Sila ay ang Arteza Chocolate, Manlangit Vermi Production, Joe Special Farm Lipa, Sanfiber Integrated, Alaga’t Kita Farm, R&V hydroponics Leafy Vegetable Products, at KABI DELICACIES.
Sinundan naman ito ng isang negosyo ng dalawang estudyanteng kabataan mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) na kumuha ng kursong BS Agribusiness Management and Entrepreneurship, ang SQOODLES na silang nagtagumpay sa YFC Intercollegiate sa halagang P250,000.
Para sa mga datihan nang nanalo sa YFC na nagnais pang palaguin ang kasalukuyang negosyo ay tatlong YFC Upscale naman ang nagkamit ng karangalan at tig-P300,000, ang Franco Mushroom Farm, Ayo’s Primee Food Processing, at Banahaw Creations.
Sa pangangasiwa ng AMAD, kasabay din ng paggagawad ang pagsasagawa ng YFC Summit kung saan nagkaroon ng mga tagapagsalita upang mapaunlad pa ang kaalaman ng mga awardees ukol sa pagpapaunlad ng negosyo.
