IMINUNGKAHI ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na gamitin ng gobyerno ang P60-bilyong target savings ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga programang direktang pakikinabangan ng taumbayan tulad ng edukasyon, kalusugan, at ayuda.
Ito’y matapos purihin ni Cayetano ang hakbang ng DPWH na iayon ang presyo ng construction materials sa aktuwal na halaga sa merkado na inaasahang magreresulta sa malaking pagtitipid sa pondo ng pamahalaan.
“If we go to the programs of all the departments, ang gaganda ng mga programa but that’s not our question. You might be hitting the target pero mali target mo,” wika ni Cayetano.
Ayon sa senador, mainam gamitin ang matitipid na pondo sa mga proyektong tutugon sa child stunting dahil sa kakulangan sa nutrisyon. Aniya, malaki ang magiging balik nito sa ekonomiya sa hinaharap.
“Marami sa stunted na bata ang magiging future PWDs. The more that we take care of the stunting now, the less we have to spend on the interventions later on,” wika niya.
Dagdag pa ni Cayetano, maaari ring gamitin ang naturang pondo para masolusyunan ang kakulangan sa mga silid-aralan na nagdudulot ng double o triple shifting sa mga pampublikong paaralan. Iginiit niyang pwedeng gawing modelo ang ginawa ng City of Taguig sa pagpapatayo ng mga matataas na paaralan para mabawasan ang shifting ng mga klase.
“Maybe we can take Taguig as an example because we started building seven-storey buildings na may elevator,” wika niya.
Binigyang diin din ng senador ang pangangailangang palakasin ang mga programang nagbibigay ng tulong sa mga pamilyang hirap sa mataas na presyo ng bilihin at epekto ng inflation.
Dagdag niya, bagaman maganda ang inisyatiba ng DPWH para mas maging makatotohanan ang costing ng mga proyekto, ang tunay na pagsubok aniya ay kung paano magagamit ang natipid na pondo sa mga sektor na matagal nang kapos sa budget.
“You cannot have good governance if you have a corrupt mentality,” wika niya.
