MULING nanawagan si Senador Bam Aquino sa pamahalaan na pormal na magdeklara ng price freeze sa mga pangunahing bilihin at essential goods, na aniya’y makatutulong upang maprotektahan ang publiko mula sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East.
“Mag-price freeze na sila. Mula noong nagsimula iyong hearing, tumaas na ng twenty pesos iyong diesel, iyong gasolina sampung piso. Sinabi ng Department of Agriculture tataas ang presyo ng pagkain kung wala silang gagawin. So mahalagang gumalaw na iyong gobyerno,” wika ni Aquino bilang tugon sa pahayag ni Claire Castro ng Presidential Communications Office (PCO) na maingat na tinitimbang ng pamahalaan ang epekto ng price freeze sa lahat ng sektor.
“Kailangan natin ng agarang aksyon at ang mungkahi ko, gawin na iyong price freeze para sa napakaraming Pilipino na hirap na hirap na ngayon. Gawin na nila yan at tulungan nila yung napakarami nating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Sa pagdinig noong Huwebes ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee, kinumpirma ng mga ahensya ng pamahalaan ang naunang pahayag ni Aquino na price monitoring lamang — at hindi price freeze — ang nakapaloob sa Executive Order No. 110 ni Ferdinand Marcos Jr. na nagdedeklara ng state of national energy emergency.
“No price freeze as of now, Mr. Chair,” sabi ni Reynaldo Cancio, Assistant Secretary ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), kay Aquino.
Kinuwestiyon ni Aquino ang desisyon na hindi isama ang deklarasyon ng price freeze, at sinabing isa ito sa mga dahilan kung bakit siya nanawagan noon ng pagdedeklara ng state of national emergency.
“Ang nilabas ninyo is national energy emergency, which I know addresses the supply issues, but I don’t think it addresses the concern when it comes to basic commodities and essential goods,” wika niya.
“Palagay ko po at palagay siguro ng marami sa amin, kulang pa dahil ang hinahanap din ng taumbayan ay ang hindi magtuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo sa mga palengke, sa supermarket, at sa grocery,” dagdag pa niya.
Hindi naman naipaliwanag ng mga undersecretary at assistant secretary ng DEPDev, Department of Energy, at Department of Finance kung bakit hindi nagdeklara ang pamahalaan ng mas malawak na state of emergency na sana’y magbibigay-daan sa pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin.
