INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng price freeze sa mga basic at prime commodities hanggang sa katapusan ng taon upang matiyak ang katatagan ng presyo sa panahon ng kapaskuhan.
Inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang direktiba sa panayam ng media noong nakaraang Sabado bago lumahok ang Pangulo sa 47th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at Related Summits sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Lunes.
Pinatitiyak din ni Pangulong Marcos sa DTI na tiyakin ang mahigpit na pagsubaybay at pagpapatupad Suggested Retail Price (SRP) para sa mga inaangkat na bigas at iba pang mahahalagang pagkain.
Ayon pa kay Castro, tiniyak ni Trade Secretary Ma. Cristina Aldeguer-Roque na ang lahat ng stakeholder sa industriya na makikipagtulungan sa gobyerno upang patatagin ang mga presyo sa merkado, lalo na sa panahon ng kapaskuhan.
Idinagdag ng opisyal ng Palasyo na ginagawa ng lahat ng kinauukulang ahensya ang kanilang bahagi upang mapanatiling patas at makatwiran ang mga presyo para sa mga mamimili.
