MULING hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tugunan ang mga problema sa senior high school voucher program (SHS VP), kabilang ang mga “ghost” student beneficiary at ang kabiguang bigyang-prayoridad ang mga mag-aaral na higit na nangangailangan.
Ang panawagan ni Gatchalian ay kasunod ng paglabas ng 2026 annual audit report ng Commission on Audit (COA) sa DepEd. Binatikos sa ulat ang kakulangan ng malinaw at “standardized parameters” sa pag-assess sa kakayahang pinansyal ng mga mag-aaral.
Tinukoy ng COA na may mga kaso kasi na hindi maipaliwanag ang pagiging absent ng mga sinasabing benepisyaryo kapag may monitoring visit, pagkakalista ng pangalan ng mag-aaral nang higit sa isang beses sa iisang paaralan o sa iba pang paaralan, at ang pagkakaroon ng status na “enrolled” kahit hindi naman pumapasok sa klase.
Noong 2024, pinangunahan ni Gatchalian ang isang imbestigasyon sa Senado na nagbunyag na P7.21 bilyon ang nagastos para sa mga hindi mahihirap na benepisyaryo ng SHS-VP para sa School Year 2020–2021. Dahil dito, hinimok niya ang DepEd na bigyang-priyoridad ang pinakamahihirap na mag-aaral sa pagpili ng mga benepisyaryo ng SHS-VP.
“Nakakadismayang malaman na nagpapatuloy pa rin ang ganitong klaseng mga problema sa pagpapatupad ng senior high school voucher program, na dapat sana ay nakakatulong sa mga mag aaral nating nangangailangan. Hindi na natin papayagang magpatuloy ito,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
