NAGHAIN ng panukalang batas si Senador Jinggoy Estrada na naglalayong tuldukan ang pagsasagawa ng redtagging na aniya ay kadalasang nagiging sanhi ng harassment, paglabag sa karapatang pantao at dahilan sa pagpaslang ng mga aktibista, mamamahayag, community leaders at ordinaryong mamamayan.
“Ang redtagging ay hindi lamang pagbibigay ng label o bansag – ito ay isang banta. Kapag ang isang tao ay binansagan na communist sympathizer, agad nalalagay sa panganib ang kanyang buhay,” diin ni Estrada.
Ang Senate Bill No. 1071, o ang “Anti-RedTagging Act,” na inihain ni Estrada ay naglalayong ideklara ang red-tagging na isang krimen na mayroong kaakibat na parusa.
Ang panukalang SBN 1071 ay naka-angkla sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Deduro v. Maj. Gen. Vinoya, kung saan kinilala ng korte na ang red-tagging, paninirang-puri, maling pagle-label, at guilt by association ay naglalagay sa panganib sa buhay, kalayaan, at seguridad ng isang tao, at kadalasang nauuwi sa pagdukot, pananakot, o maging extra-judicial killings.
Nais ng panukala na kilalanin at ipaloob sa batas ang red-tagging upang mabigyan ng proteksyon ang mamamayan kontra sa hindi makatarungang pananakot, panggigipit, o pag-uusig.
Ang red-tagging, ayon sa SBN 1071, ay ang hayagang pagbansag o pag-akusa sa mga indibidwal o grupo bilang mga komunista, terorista, o kalaban ng Estado — na kadalasan ay walang sapat na ebidensya.
Maituturing na red-tagging ang paglalabas ng pahayag sa publiko, social media posts, tarpaulin, karatula, deklarasyon, public events, at iba pang platapormang ginagamit upang i-label o siraan ang isang tao o grupo bilang kalaban ng Estado.
Nais ni Estrada sa kanyang itinutulak na bill ang pagpapataw ng 10 taong pagkakakulong at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyong pampubliko bliang parusa sa sinumang mapapatunayang lumabag sa batas.
“Matagal nang nanganganib ang buhay ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at mga aktibista dahil sa red-tagging. Naglilikha ito ng chilling effect sa mga lehitimong kritiko at lider ng komunidad — kabilang na ang mga mamamahayag — at naghahasik ng takot sa ating bansa. Wala itong lugar sa isang demokratikong lipunan,” sabi ng senador.
Ayon kay Estrada, marami sa mga naitalang kaso ng red-tagging ang nagpapatunay na nakamamatay ang gawaing ito, tulad na lamang sa mga kaso nila Jose Reynaldo Porquia, Zara Alvarez, lawyer Benjamin Ramos, at Konsehal Bernardino Patigas — mga indibidwal na hayagang tinawag na komunista ng mga owtoridad bago sila brutal na pinaslang.
“Ang seguridad na ipinagbubunyi ng Estado ay dapat nagpoprotekta, hindi naglalagay sa panganib. Hindi krimen ang adbokasiya. Hindi terorismo ang dissent,” giit ni Estrada. “Tinitiyak ng panukalang ito na walang buhay ng Pilipino ang malalagay sa panganib dahil lamang sa walang-ingat at walang-basehang paratang.”
