
NIYANIG ng magnitude 6.2 na lindol nitong Sabado ng gabi ang Surigao del Sur, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Naitala ang lindol na tectonic ang origin, alas-10:32 ng gabi na may lalim na 10 kilometro.
Ang epicenter ng pagyanig ay matatagpuan sa layong 22 kilometro hilagang-silangan ng bayan ng Cagwait.
Naitala ang Intensity 4 sa Cagwait at Carmen, Surigao del Sur; Cagayan de Oro City; Davao City; at Lungsod ng Butuan.
Intensity 3 ang naramdaman sa Abuyog, Leyte; Hinunangan, Hinundayan, San Francisco, at Silago, Southern Leyte; Cabanglasan, Don Carlos, Malaybalay City , at San Fernando, Bukidnon; Bislig City, Surigao del Sur; at Mati City sa Davao Oriental.
Inaasahan ang pinsala at aftershocks ayon sa Phivolcs.
Samantala, niyanig ng magnitude 5.1 na lindol ang lalawigan ng Zambales nitong Sabado ng gabi ayon sa Phivolcs.
Ang lindol, na tectonic ang pinagmulan at may lalim na 102 kilometro, ay naramdaman alas-5:32 ng hapon. na ang epicenter nito ay nasa 25 kilometro timog-silangan ng Botolan.
Naitala ang Intensity 3 sa Botolan at Cabangan, Zambales habang intensity 2 naman sa Manila at Marikina.
Sinabi ng Phivolcs na maaaring magkaroon ng aftershocks pagkatapos ng lindol.
Ang pagyanig ng Surigao at Zambales ay naganap isang araw matapos tumama ang magkasunod na lindol sa baybayin ng Davao Oriental.
Ang una, na may magnitude 7.4, ay naganap noong 9:43 a.m. Biyernes habang naitala ang magnitude 6.8 na lindol alas-7:12 ng gabi ng parehong araw, na may epicenter sa bayan ng Manay sa Davao Oriental.
Matatandaan noong Setyembre 30, isang magnitude 6.9 na lindol ang tumama sa hilagang-silangan na bahagi ng Bogo City sa Cebu.