NADAKIP ng mga operatiba ng Police Regional Office 3 (PRO3) noong Miyerkules sa Navotas City ang isa sa mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Bulacan Association of Barangay Captains (ABC) president Ramilito Capistrano at sa kanyang drayber sa Malolos City noong Oktubre 3, 2024.
Base sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio I. Peñones nakilala ang suspek bilang alyas “Lupin” na natunton sa kanyang pinagtataguan sa Bgy. Tangos South sa Navotas City bandang 1:30 ng madaling araw noong Miyerkules.
Ang 35-anyos na suspek ay naaresto ng Tracker Team ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng pulisya ng Bulacan sa pakikipagtulungan ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company at ng Navotas City Police Station.
Ang pag-aresto ay isinagawa batay sa isang warrant para sa 2counts ng kasong murder na inisyu ng Regional Trial Court Branch 11, Malolos City, Bulacan, nang walang inirekomendang piyansa.
Sinabi ng mga awtoridad na si “Lupin” ay kabilang sa apat na suspek na sangkot sa pagpatay kay Capistrano, ang presidente ng ABC ng Bulacan, at sa kanyang drayber na si Shedrick S. Toribio noong Oktubre 3, 2024, sa Bgy. Ligas, Malolos City.
Ang suspek ay minanmanan nang mahigit dalawang buwan bago siya naaresto.
