
SINUSPINDI ng Department of Transportation (DOTr) ng 90-araw ang lisensiya ng SUV driver na nakipagsuntukan umano sa isang bus driver sa Silang, Cavite.
Base sa imbestigasyon nagkasagian ang SUV at bus sa Aguinaldo Highway.
Ayon kay acting Transportation Secretary Giovanni Lopez sa isang pahayag “Kitang-kita sa video kung paano niya sinaktan ‘yung matandang driver. Hindi natin palalampasin ang ganiyang mga maling asal,” .
Ang pagsuspinde sa driver’s license ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papanagutin ang mga abusadong driver.
Ipatatawag naman ng Land Transportation Office (LTO) ang SUV driver para pagpaliwanagin kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng reckless driving at kung bakit hindi dapat tuluyang kanselahin ang kaniyang lisensiya.