
Camp BGen Vicente P Lim —BALIK- kulungan ang isang presong tumakas mula sa custodial facility ng Gumaca Municipal Police Station matapos niyang sirain ang hardiflex wall ng kanyang selda sa loob ng custodial facility noong 4:00 ng madaling-araw ng Huwebes, Oktubre 9, 2025,.
Ang pugante ay nakilalang si alyas “Omang”, residente ng Barangay Rosario, Gumaca, Quezon, na nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Batay sa ulat ng Gumaca MPS, agad nadiskubre ng duty jailer ang tumakas na suspek kaya naman agad naglunsad ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Gumaca MPS, katuwang ang mga kalapit na himpilan ng pulisya at mga opisyal ng barangay .
Sa tuloy-tuloy na follow-up operation ng buong pwersa ng Quezon PPO, bandang 8:40 ng gabi ng Oktubre 11, 2025, naaresto ng mga pulis ang suspek sa Barangay Rosario, Gumaca, Quezon, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na nakakita sa kanya.
Dinala ng mga operatiba ang naarestong suspek sa Gumaca MPS para sa dokumentasyon at wastong disposisyon.
Pinuri ni Regional Director PBGEN Paul Kenneth T. Lucas ang dedikasyon, mabilis na aksyon, at epektibong koordinasyon ng mga tauhan ng Gumaca MPS sa matagumpay na muling pagkakadakip sa tumakas na preso.
“Dito sa CALABARZON, sa tulong ng Local Government Units at ibang ahensiya ng pamahalaan, sisiguraduhin nating mapapanagot sa batas ang may sala at walang puwang ang ano mang uri ng krimen sa ating komunidad,” pahayag ni RD Lucas.
Ang nasabing operasyon ay kaakibat ng 7-Point Agenda ni Acting Chief, PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., partikular sa mga layuning palakasin ang police responsiveness, isulong ang integridad sa serbisyo, at paigtingin ang ugnayan ng pulisya at komunidad tungo sa epektibong pagpapanatili ng katahimikan at seguridad ng publiko.