
IBINIDA sa mga kabataang magsasaka sa Quezon, miyembro ng Head, Heart, Hands, and Health (4-H) club, at mga representante ng lokal na pamahalaan ang Young Farmers Challenge ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) noong ika-4 ng Setyembre sa tanggapan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa Lucena City, Quezon.
Ang YFC ang nagsisilbing opisyal na kompetisyon ng DA para sa mga kabataang agripreneur kung saan dito ay maaaring magkamit ng kapital na suporta sa kani-kanilang agribusiness ang mga tatanghaling panalo.
Ayon kay OPA Division Head of Agricultural Enterprise Sherwin Kenneth Deloraya, malaking tulong ang pagpopondo sa mga maliliit na agribusiness na hangad maitayo ng mga kabataan. Kaya naman buo ang pasasalamat nila dahil sa masigasig na pagsasagawa ng mga oryentasyon ukol sa YFC.
Aniya, dito ay nalilinaw ang mga katanungan ng mga kabataang magsasaka sa Quezon na maraming inobasyon at nagnanais sumali sa kasalukuyang taon.
Samantala, abangan ang katulad na aktibidad na isasagawa sa iba pang parte ng rehiyon sa pagpapatuloy ng paanyaya sa mga kabataan na makiisa sa pagpapaunlad ng agrikultura sa bansa.
Maaaring magsumite ang mga interesadong sumali hanggang ika-23 ng Setyembre. Para sa iba pang detalye, magtungo sa opisyal na Facebook ng DA-4A: DA-Calabarzon.