NAGLUNSAD ang Department of Interior and Local Government ng tracker team ng Philippine National Police (PNP) upang alamin ang kinaroroonan at arestuhin ang dating Kongresista ng Ako Bicol Partylist na si Zaldy Co at 17 kasamahan na sangkot sa multi-bilyong pisong ma-anomalyang flood control projects .
Agad na ipatutupad ng Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Jonvic Remulla ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos ianunsyo ng pangulo nitong Biyernes ang paglalabs ng Sandiganbayan ng arrest warrant at hold departure order (HDO) para kay Co, mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga opisyal ng Sunwest Corp na pawang may kaugnayan sa mga ghost project sa flood control projects.
Ang mga kasong pandarambong, anti-graft, at indirect bribery na isinampa sa Office of the Ombudsman ay batay sa ebidensya mula sa Independent Commission for Infrastructure at DPWH.
Sinabi ni Remulla na ang mga tracker team ng PNP ay bibisita sa lahat ng nakalistang tirahan, susuriin ang limang buwang video surveillance, at maaaring humingi ng red notice at pagkansela ng pasaporte.
Ayon pa kay Remulla, isang blue notice ang inilabas laban kay Co dalawang buwan na ang nakalilipas, na nagbibigay-daan sa gobyerno ng Pilipinas na subaybayan ang lokasyon ni Co sa ibang bansa, kabilang ang US, Europe, Singapore, Spain, Portugal, at Japan.
Sinabi ni Remulla na bineberipika ng mga awtoridad kung ang golden visa ni Co sa Portugal ay nakuha bago o pagkatapos ng paggawa ng mga krimen. Bagama’t may diplomatikong kasunduan ang Pilipinas at Portugal, ang mga susunod na hakbang ng gobyerno ng Pilipinas ay nakasalalay sa katotohanang ito.
Samantala, sinabi ni acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nananatiling nakatuon ang PNP sa pagpapatupad ng arrest warrant nang naaayon sa batas, maayos, at patas, kung saan ang mga nasasakupan ay bibigyan ng mga karapatang ginagarantiyahan sa kanila sa ilalim ng batas.
