
NAKAPASOK sa sampung kategorya ang mga representante ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) at sumailalim na sa field validation ng National Technical Committee (NTC) para sa 50 th Gawad Saka: Parangal sa mga Natatanging Magsasaka at Mangingisda.
Ang Gawad Saka ay isinasagawa upang parangalan ang mga natatanging kontribusyon ng mga magsasaka, mangingisda, nag-aalaga ng hayop, at maging ang mga dedikado sa serbisyo publiko na nagpamalas ng huwarang gilas at galing para sa ikauunlad ng sektor ng agrikultura.
Sa buwan ng Marso ay paunang binisita ang Ginintuang Butil ng Sta. Teresa Irrigators Association Inc. para sa Outstanding Rice Cluster-Irrigators Associations mula sa Lucena City, Quezon; si Jovencio Reyes para sa Outstanding Agricultural Extension Worker (AEW) mula sa Tanay, Rizal; at si Marites Caña para sa Outstanding High Value Crops Farmer mula sa Nagcarlan, Laguna.

Sinundan naman ito nina Gemma Chavez para sa Outstanding Large Animal Raiser Adopting Integrated Farming System, Cooperative Bank of Quezon Province para sa Outstanding Rural
Financial Institution, Dr. Cleofas Cervancia para sa Outstanding Agricultural Scientist, Palcon Dairy MPC para sa Outstanding Dairy Cattle Raiser, Claudette Anne Aguila para sa Outstanding Young Farmer, Talahib Pandayan RIC para sa Outstanding Barangay Rural Improvement Club, at Victor Esmeris para sa Outstanding Coconut Farmer.
Kaugnay nito, Si Marites Caña ay buong puso ang pasasalamat sa pagtulong ng lokal na pamahalaan at DA-4A upang mabigyan sila ng pagkakataon sa Gawad Saka na mas maipakilala pa ang kanilang samahan sa buong bansa lalo na ang kanilang ipinagmamalaki na mga produkto.
Samantala, inaasahan ang opisyal na paggagawad sa mga mananalo rito sa darating na buwan ng Mayo kasabay ng selebrasyon ng Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda ngayong taon.