ISINUGOD sa pagamutan ang hindi bababa sa 151 mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) na dumadalo sa isang seminar sa isang hotel sa Subic Bay Freeport Zone noong Martes dahil sa hinihinalang pagkalason sa pagkain.
Ayon sa ulat na isinumite sa Direktor ng Police Regional Office 3 na si Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr. ng Subic police, ang mga biktima ay mga opisyal ng SK mula sa San Carlos City, Pangasinan.
Ang mga opisyal ng SK ay dumadalo sa isang seminar sa Gender Awareness Sensitivity na ginanap sa Subic Bay Travellers Hotel na matatagpuan sa Raymundo St. sa Subic Bay Freeport Zone.
Sa inisyal na imbestigasyon , ang 151 na dumalo sa seminar ay binigyan ng pagkain para sa tanghalian.
Ayon sa isang SK kagawad mula sa Bgy. Inerangan, San Carlos City, Pangasinan, bago ang hinihinalang pagkalason sa pagkain, sila ay binigyan ng menudo, pritong manok, at chopsuey.
Pagkatapos kumain, nakaranas ang mga ito ng matinding pananakit ng tiyan, pagtatae, at pagsusuka. Sila ay dinala sa iba’t ibang ospital para magpagamot.
Ang mga sample ng pagkain mula sa hotel ay kinuha ng police forensics team para sa pagsusuri.
Ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ay kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa insidente sa pamamagitan ng kanilang Public Health and Safety Department.