Oriental, Mindoro–NAG-INSPEKSYON si Gobernador Humerlito “Bonz” Dolor sa mga nasirang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bayan ng Naujan nakaraang Huwebes, matapos bumigay ang mga ito sa kabila ng kamakailang habagat at mga bagyo.
Nakita sa inspeksyon ang mga depekto sa konstruksyon at paggamit ng substandard na materyales, na nagdulot ng matinding pagkabahala sa lokal na pamahalaan.
Sa unang bisita sa Barangay Mulawin, direktang nasaksihan ng gobernador kasama ang Provincial Engineer , Administrator ang malalaking bitak sa mga pader ng flood control structure.
Kitang-kita ang pagkasira ng semento at ang mababang kalidad ng bakal na ginamit, na tila hindi sumasang-ayon sa itinakdang engineering standards.
Sa ikalawang inspeksyon sa Barangay Tagumpay, lalong lumutang ang mga iregularidad: manipis na konkretong pader, kulang na steel reinforcements, at maluwag na pagkakagawa na nagdulot ng pagguho sa ilang bahagi ng proyekto.
“Hindi katanggap-tanggap na ang pondong galing sa buwis ng taumbayan ay ginamit sa proyektong madaling nasira. Dapat managot ang mga kontratista at may kapabayaang opisyal,” giit ni Gobernador Dolor.
Ang nasabing flood control projects ay bahagi ng pambansang programa laban sa pagbaha, subalit nasira lamang sa loob ng isang taon.
Nanawagan Si Gov.Bonz Dolor kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panagutin at imbestigahan ang kontratista at mga indibidwal na sangkot. “Hindi natin hahayaang mabalewala ang pera ng bayan,” pagwawakas ng gobernador.
