
ARESTADO ang dalawang indibidwal sa magkahiwalay na buy-bust operation ng San Pablo at Calauan PNP na nagresulta sa pagagakumpiska ng may pinagsamang halaga ng hinihinalang iligal na droga na aabot sa PhP204,000.00 bandang 5:33 AM ng Mayo 15, 2025 sa San Pablo City at bandang 12:15 AM ng Mayo 16, 2025 sa Calauan, Laguna.
Kinilala ni Laguna Police Provincial Director PCol Ricardo Dalmacia ang mga suspek na sila alyas Archie, 44 taong gulang na residente ng Pasay City at si alyas Dolly, 47 taong gulang na residente ng Victoria, Laguna.
Sa ulat ng San Pablo Component City Police Station sa pamumuno ni PLt Col Redentor Tirana, Officer-In-Charge, nagkasa ang kanilang Drug Enforcement Unit (DEU) ng drug buy-bust operation bandang 5:33 ng umaga ng Mayo 15, 2025 sa Brgy. San Lucas 1 San Pablo City, Laguna. Sa nasabing operasyon, naaresto ang suspek matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa pulis na nagpanggap bilang poseur buyer kapalit ang marked money.
Matapos maaresto, nakumpiska sa suspek ang tatlong (3) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatanyang timbang na humigit kumulang sa 15 gramo at may estimated Standard Drug Price (SDP) na aabot sa PhP102,000.00, dalawang (2) piraso ng PhP1,000.00 peso bill, isang (1) piraso ng Php500.00 peso bill na ginamit bilang buy-bust money at isang (1) piraso ng PhP1,000.00 peso bill bilang recovered money.
Samantala, sa ulat naman ng Calauan Municipal Police Station sa pamumuno ni PLt Col Jojo Sabeniano, Officer-In-Charge, nagkasa ang kanilang Drug Enforcement Unit (DEU) ng drug buy-bust operation bandang 12:15 madaling araw ng Mayo 16, 2025 sa Brgy. Silangan, Calauan, Laguna. Naaresto ang suspek matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa pulis na nagpanggap bilang poseur buyer kapalit ang PhP500.00 na marked money.
Nakumpiska sa naarestong suspek ang apat (4) na piraso heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatanyang timbang na humigit kumulang sa 15 gramo at may Estimated Standard Drug Price value na PhP102,000.00; isang (1) piraso ng Five Hundred Peso (PHP 500.00) bill na ginamit bilang buy-bust money, PhP100.00 pesos bilang recovered money at isang (1) leather wallet na kulay itim.
Ang mga naarestong suspek ay agad binasahan ng kanilang mga karapatan at kasalukuyang nasa kustodiya ng San Pablo CCPS at Calauan MPS habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento sa pagsasampa ng kaso sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Ang pagkaka-aresto ng mga suspek na ito ay alinsunod sa direktiba ng ating mahal na pangulo na palakasin ang mga operasyon kontra iligal na droga, ito ay upang mailigtas ang ating mga kababayan na maaaring maging biktima ng iligal na droga lalo na ang ating mga kabataan.” ayon sa pahayag ni PCol Dalmacia.