UMABOT na sa 29 katao ang nasawi habang tatlo naman ang nawawala dahil sa pinagsamang epekto ng Tropical Cyclones Luis at Maymay at Southwest Monsoon o Habagat, batay sa pinakahuling datos ng mga awtoridad hanggang alas-6 ng umaga nitong Agosto 20, 2026.
Pinakamataas ang bilang ng nasawi sa Benguet na may 15, kung saan 10 ang mula sa Baguio, tatlo sa Atok at dalawa sa La Trinidad. Karamihan sa mga insidente ay dulot ng landslide.
Apat ang nasawi sa Rizal, kabilang ang dalawang biktima ng rockslide sa Rodriguez, isa dahil sa nahulog na puno sa Antipolo at isa dahil sa pagkalunod sa Binangonan.
Apat din ang nasawi sa Batangas dahil sa iba’t ibang insidente, kabilang ang pagkalunod, electrocution at landslide.
May naitala ring mga nasawi sa La Union, Quezon, Oriental Mindoro, Negros Occidental at Caloocan.
Samantala, umabot sa 19 katao ang nasugatan, kabilang ang 12 sa Benguet. Kabilang sa mga insidenteng nagdulot ng pinsala ang landslide, pagkahulog ng puno, malakas na agos at vehicular accident.
Tatlo naman ang patuloy na nawawala—isa sa Quezon, isa sa Maynila at isa sa Batangas City.
6.5M Pilipino, Apektado
Sa kabuuan, nasa 1,815,389 pamilya o 6,516,451 katao ang naapektuhan ng sama-samang epekto ng mga bagyo at Habagat.
Sakop ng mga apektadong lugar ang Regions I, II, III, V, VI, VIII, IX, CALABARZON, CAR, NCR at MIMAROPA.
May kabuuang 628 evacuation centers na ginagamit, kung saan 13,957 pamilya o 47,277 katao ang kasalukuyang nasa loob ng mga evacuation center.
Higit 2,000 Bahay, Nasira
Umabot naman sa 2,108 bahay ang napinsala dahil sa sama ng panahon.
Sa bilang na ito, 1,882 ang partially damaged habang 226 ang totally damaged.
Tinatayang P4.66 bilyon na ang pinsala sa imprastraktura, habang nasa P1.42 bilyon naman ang naitalang pinsala sa agrikultura.
Samantala, umabot na sa P957.8 milyon ang halaga ng tulong na naipamahagi sa mga apektadong pamilya at komunidad.
Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon sa mga lugar na naapektuhan ng Tropical Cyclones Luis at Maymay at Habagat, partikular sa mga lugar na nananatiling vulnerable sa pagbaha, landslide at iba pang panganib.
