
HINDI bababa sa 30 katao ang nailigtas mula sa pagbaha sa Puerto Princesa, Palawan habang patuloy na nakakaapekto sa rehiyon ang walang tigil na pag-ulan dala ng shear line at northeast monsoon.
Ayon sa Philippine Red Cross (PRC), nasa 30 indibidwal na ang nailigtas nila sa Bgy. San Manuel sa Puerto Princesa mula pa noong Pebrero 9, 2025.
Ang Philippine Coast Guard-Palawan chapter ang nanguna sa rescue operations sa Bgy. San Manuel, kung saan inilikas ang mga residente para dalhing ligtas sa barangay hall.
Nagtatag din ang PRC ng welfare desk sa Bgy. San Manuel Evacuation Center para magbigay ng agarang tulong at suporta sa mga evacuees.
Ang rescue mission ay kasunod ng mga babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa patuloy na katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Palawan, Quezon, Bicol, at Eastern Visayas.
Sa pagtaas ng tubig-baha at pagguho ng lupa na nagdudulot ng mga karagdagang panganib, hinimok ng mga awtoridad ang mga residente sa mga lugar na manatiling nakaantabay.