ARESTADO ang higit-kumulang 400 illegal aliens noong Miyerkules ng mga awtoridad nang salakayin ang isang umano’y scam hub na kumpanya saBrgy.tambo , Parañaque City.
Ayon kay BI Intelligence Division chief Fortunato Manahan Jr , natuklasan ang operasyon ng mga dayuhan na nagtatrabaho sa mga aktibidad na katulad ng Philippine offshore gaming operators (POGO).
“Ang Intelligence Division ng Bureau, Fugitive Search Unit (FSU), at Anti-Terrorist Group (ATG) ay matagal nang sinusubaybayan ang mga aktibidad ng mga indibidwal na ito,” sabi ni Manahan.
Aniya, ang mga indibidwal ay nagsasagawa umano ng mga bawal na aktibidad, kabilang ang mga online scam operations na nagta-target sa mga biktima sa ibang bansa.
Pansamantalang hawak ng ahensya ang mga naarestong dayuhan habang hinihintay ang paglilitis sa deportasyon.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang raid ay bahagi ng pinaigting na pagsisikap ng Bureau para labanan ang mga ilegal na aktibidad at alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na arestuhin at i-deport ang mga POGO worker na nagpupumilit na manatili sa bansa na lumabag sa ating mga batas.
